Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o kalabuan. Sa halip, pag-iba ito ng anyo mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga kilos ay malinaw at tumatagos sa lahat, dalisay at walang kapintasan, tiyak na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; sa panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng tao para sa Diyos. Sa loob ng buong panahon na ito, ang hindi maaaring saktan na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng mga masasamang gawa ang mga tao at magkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang galit ay unti-unting ididiin hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Magpapahayag man ang Diyos ng galit o awa at kagandahang-loob, ang asal, damdamin at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipapahayag sa pamamagitan ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na ipaiilalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, malamang na ang puso ng taong ito ay lumalaban sa Diyos. Dahil hindi siya kailanman nagsisi nang lubusan, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pag-iingat ng Diyos at madalas makamit ang Kanyang awa at pagpaparaya, ibig sabihin ang taong ito sa kanyang puso ay walang alinlangan na may tunay na paniniwala sa Diyos, at ang kanyang puso ay hindi lumalaban sa Diyos. Madalas siyang nagsisisi sa harap ng Diyos; kaya, kahit madalas dumating sa kanya ang disiplina ng Diyos, hindi ang Kanyang galit.
Ang maikling kwento na ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, para makita ang
katotohanan ng Kanyang diwa, para makita na ang Kanyang galit at ang pagbabago ng Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay magalit at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang anyong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang kabilang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang katotohanan ng awa at kabutihan ng Diyos at upang makita ang tunay na pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at kabutihan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon; ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo; tunay na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.
Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Kahihinatnan
May anumang pagkakasalungat ba sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at sa Kanyang galit? Siyempre wala! Ito ay dahil may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos sa pagkakataong ito. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ang sinabi sa Biblia: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay.”
Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi ang masamang pinagmumulan sa likod ng pag-uugali ng mga tao. “Ang paglayo sa kanyang masamang gawi” ay nangangahulugan na hindi na nila muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila muling mamumuhay sa masamang gawing ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbago lahat; hindi na nila muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at ipinakita nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na kalagayan ng mga tao, gayun din ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa, gayun din ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, umatras sa Kanyang pagpapasya at hindi na sila parurusahan o lilipulin man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang mga buhay at natamo din nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saan iniatras din ng Diyos ang Kanyang galit.
mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao