Mga Aklat ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Isinasagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang gawain sa mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano sa pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng
Diyos ay dumating na. Dadalhin ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang katapusan, sa panahon ng Diyos Mismo. Gayunman, bago dumating ang panahon ng Diyos Mismo, ang gawain na ninanais gawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa mga
buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa Kanyang luklukan. Lahat ng mga nagsisunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa luklukan ng Diyos, kaya lahat ng tatanggap sa huling gawain ng Diyos ang siyang dadalisayin ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tatanggap sa huling gawain ng Diyos ang siyang hahatulan ng Diyos.
Kagaya ng nasabi na dati, ang paghatol ay magsisimula sa bahay ng Diyos. Ang “paghatol” na ito ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga nagsilapit sa Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa hindi karaniwang mga pala-palagay kagaya ng sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, pagkatapos ay uupo ang Diyos sa isang dakilang luklukan at ang lahat ng mga tao ay luluhod sa lupa. Ibubunyag ng Diyos noon ang lahat ng mga kasalanang sakdal laban sa tao upang malaman kung siya ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Hindi alintana ang mga pala-palagay ng tao, ang sangkap ng gawain ng Diyos ay hindi maaaring baguhin. Ang mga pala-palagay ng tao ay gawa-gawa lamang ng pag-iisip ng tao at galing sa utak ng tao, naidagdag at pinagtagni-tagni sa mga nakita at narinig ng tao. Masasabi Ko kung gayon, gaano man kagaling ang mga imaheng naisip, ang mga ito ay mga larawan lang at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang lahat sa tao ay ginawang tiwali na ni Satanas, kaya papaano niya mauunawaan ang mga iniisip ng Diyos? Iniisip ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang di kapani-paniwala. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang magsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ito ay magiging pinakakakila-kilabot at hindi mauunawaan ng mga mortal; aalingawngaw ito hanggang sa langit at yayanigin ang lupa, kung hindi ay papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala ang tao na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging dakila at makahari habang Siya ay gumagawa, at ang lahat ng hinatulan ay dapat na magpalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Dapat ang eksena ay napakarangyang pagmasdan at masyadong nakapupukaw…. Isinasalarawan ng bawat tao na maalamat ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na matagal nang sinimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga tao, mahimbing pa rin ang iyong tulog? Alam mo ba, sa oras na naniwala ka na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay nagsisimula na, ito na ang oras na binabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay doon mo pa lang maiintindihan ang kahulugan ng buhay, ngunit ang walang-awang gawain ng kaparusahan ng Diyos ay dadalhin ka, nang natutulog pa rin, sa impiyerno. Saka mo lang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay nagtapos na.
Huwag na tayong magsayang ng mahalagang oras at huwag na nating pag-usapan itong mga nakamumuhi at kasuklam-suklam na paksa. Sa halip ay pag-usapan natin kung ano ang bumubuo sa paghatol. Pagdating sa salitang “paghatol,” maiisip mo ang mga salitang sinalita ni Jehovah sa lahat ng dako at ang mga salitang pagsaway na sinalita ni Jesus sa mga Fariseo. Bagamat matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao; ang mga salitang ito ay ang mga sinalita lamang ng Diyos sa loob ng magkakaibang kapaligiran, iyon ay, magkakaibang tagpo, at hindi sila kagaya ng mga salitang sinalita ni Cristo sa paghatol Niya sa tao sa mga huling araw. Sa mga huling araw, Si Cristo ay gagamit ng iba’t-ibang mga katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at mga gawa. Ang mga salitang ito ay sumasaklaw sa iba’t-ibang mga katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang kaalaman at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Lalung-lalo na, ang mga salitang nagbubunyag kung papaanong itinatakwil ng tao ang Diyos ay sinalita kung paanong ang tao ay isang mismong larawan ni Satanas at pwersa ng kaaway laban sa Diyos. Kapag ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol, hindi lang Niya basta nililinaw ang kalikasan ng tao sa pamamagitan ng ilang mga salita, ngunit nagsasagawa ng pagbubunyag, pakikitungo, at pagpupungos nang pangmatagalan. Ang gayong pagbubunyag, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mapalitan ng mga ordinaryon salita ngunit ng katotohanan na hindi tinataglay ng tao kailanman. Ang gayong paraan lamang ng paggawa ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lang ng gayong paghatol mahihikayat ang tao, na makumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at makamtam ang tunay na pagkilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at ang katotohanan tungkol sa kanyang pagiging mapanghimagsik. Ang gawain ng paghatol ang magbibigay-daan sa tao upang malaman nang higit ang kalooban ng Diyos, ang layunin ng paggawa ng Diyos, at ang mga misteryo na hindi kayang maunawaan ng tao. Ipahihintulot din nito na makilala at malaman ng tao ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, at upang matuklasan din ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gayong gawain ay ang mismong gawain sa paglalantad ng katotohanan, daan, at buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na isinagawa ng Diyos. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga katotohanang ito at palaging iisiping iwasan ang mga ito o isang bagong paraang hiwalay sa mga ito, masasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi mo iniibig ang daan na magdadala sa iyo nang mas malapit sa Diyos, masasabi Kong ikaw ang sumusubok na takasan ang paghatol. Isa kang sunud-sunuran at taksil na lumalayo sa dakilang puting luklukan, at hindi patatawarin ng Diyos ang isa man sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalong mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa Diyos upang mahatulan at dinalisay na ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay sa hinaharap.
Ang gawain ng paghatol ay sariling gawa ng Diyos, kaya kailangang likas na magawa ito ng Diyos Mismo; hindi ito maaaring gawin ng taong Kanyang kahalili. Sapagkat ang paghatol ay ang panlulupig sa tao sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlanganan na nagpapakita pa rin ang Diyos sa larawan ng nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ito ay upang sabihin, sa mga huling araw, gagamitin ni Cristo ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at upang ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Ang ilan ay may di kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na isasagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol bilang isang pagkakatawang-tao. Ngunit kailangang masabi Ko sa iyo na kadalasan ang paggawa ng Diyos ay lumalampas nang labis sa inaasahan ng tao at mahirap para sa isip ng tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay Siyang kataas-taasan na pumupuno sa sanlibutan; ang pag-iisip ng tao ay katulad lang ng hukay ng maruming tubig na nagdudulot lamang ng mga uod, samantalang ang bawat antas ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay bunga ng karunungan ng Diyos. Laging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos; kung gayon ay sasabihin Ko na hayag na hayag kung sino ang masasawi sa bandang katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, kung gayon bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo magawa ang kapareho? Ang dakilang paggalaw ng gawain ng Diyos ay hindi mahahadlangan. Hindi na Niya uuliting muli ang gawain ng paghatol para sa kapakanan ng iyong “mga katangian,” at lubos mong pagsisisihan ang pagkawala ng ganoon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, maghintay na lang kayo kung gayon sa dakilang puting luklukan sa langit na “magpasa ng paghatol” sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng mga Israelita ay itinanggi at itinatwa si Jesus, gayunman ang katotohanan ng pagliligtas ni Jesus sa sangkatauhan ay lumaganap pa rin hanggang sa mga dulo ng sanlibutan. Hindi ba ito ang katotohanan na matagal nang isinakatuparan ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus upang dalhin ka sa langit, kung gayon ay masasabi ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo na hindi tapat sa katotohanan at naghihintay lamang ng mga biyaya. Sa kabilang banda, hindi Siya magpapakita ng anumang awa sa pagbubulid Niya sa iyo sa dagat-dagatang apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ang katotohanan? Kung naiintindihan mo na, kung gayon ay ipinapayo Ko sa iyo na magpasakop ka sa paghatol, kung hindi, di ka na magkakaroon pa ng pagkakataon na papurihan ng Diyos o madala ng Diyos sa Kanyang kaharian. Silang mga tatanggap lang ng paghatol subalit hindi kailanman maaaring dalisayin, iyon ay, silang mga magsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay magpakailanman kamumuhian at itatakwil ng Diyos. Ang kanilang mga kasalanan ay lalo, at lalong mas mabigat, kaysa doon sa mga Fariseo, sapagkat pinagtaksilan nila ang Diyos at mga rebelde laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat magsagawa ng paglilingkod ay makatatanggap ng mas mabigat, at walang-hanggang kaparusahan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang minsan ay nagpahayag ng katapatan sa mga salita subalit pinagtaksilan din Siya. Makikita ng gayong mga tao ang kagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba nito ibinunyag ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang eksaktong layunin ng paghatol ng Diyos at pagbubunyag sa tao? Ilalagay ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng masamang gawain sa panahon ng paghatol sa lugar na kung saan ang mga masasamang espiritu ay naninirahan para sirain ang kanilang mga katawang laman sa kagustuhan ng espiritu. Ang kanilang mga katawan ay mangangamoy bangkay, at gayon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaan ang bawat isa sa mga kasalanan nilang mga hindi tapat na huwad na tagasunod, mga huwad na disipulo, at mga huwad na manggagawa, at kapag tama na ang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng mga maruruming espiritu nang sa gayon ang kanilang buong katawan ay madungisan nang todo ng mga espiritu at, bilang resulta, hindi na sila maaaring muling magkatawang-tao at makita ang liwanag. Yaong mga ipokrito na nagsipaglingkod minsan ngunit hindi nakapanatiling tapat hanggang katapusan ay ibibilang ng Diyos sa mga makasalanan nang sa gayon lumakad sila sa payo ng makasalanan, at maging bahagi ng mga magugulong makapal na bilang ng mga tao. Sa katapusan, wawasakin sila ng Diyos. Isasantabi at hindi papansinin ng Diyos yaong mga hindi naging tapat kay Cristo o naglaan ng anumang pagsisikap, at wawasakin silang lahat sa pagbabago ng panahon. Hindi na sila iiral sa mundo, lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan sa pakikitungo sa Diyos ay ibibilang doon sa mga taong naglingkod para sa Kanyang bayan. Maliit na bilang lamang ng gayong mga tao ang matitira, samantalang ang karamihan ay mamamatay kasama ng mga ni hindi kwalipikadong magsagawa ng paglilingkod. Panghuli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian yaong lahat ng kapareho ng isipan ng Diyos, ang mga tao at mga anak na lalaki ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Ang gayon ay ang bunga na ipinanganak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. At doon sa mga hindi mapapabilang sa mga kategoryang inilatag ng Diyos, sila ay ibibilang kasama ng mga hindi sumasampalataya. At tiyak na mahihinuha ninyo ang kahihinatnan ng mga ito. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasya kung alin ang landas na inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maintindihan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maghihintay para sa sinuman na hindi makasasabay sa bilis ng hakbang ng Diyos, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi magpapakita ng kaawaan sa sinumang tao.
Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Mga Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Intsik, ibig sabihin “walang pag-asa.”
Ang Pagbabalik ng Panginoong
Jesus