Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos - Ang Diyos ay ang simula at ang wakas

菜單

12 Pebrero 2018

3. Ang Pag-alam sa Layunin at Kabuluhan ng Bawa’t Isa sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos

Mga Aklat ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos3. Ang Pag-alam sa Layunin at Kabuluhan ng Bawa’t Isa sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos



Nauugnay na mga Salita ng Diyos:


    Sa Kapanahunan ng Biyaya ang tao ay sumailalim sa pagtitiwali ni Satanas, kung kaya ang gawaing pagtubos sa buong sangkatauhan ay nangailangan ng masaganang biyaya, walang-hanggang pagtitiis at pagtitiyaga, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang makarating sa bunga nito. Ang nakita lamang ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang Aking handog na pantakip ukol sa kasalanan ng sangkatauhan, iyan ay, si Jesus. Ang alam lamang nila ay maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang habag at kagandahang-loob ni Jesus. Ito sa kabuuan ay dahil nabuhay sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya’t, bago sila matubos, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila; ito lamang ang kapaki-pakinabang sa kanila. Sa ganitong paraan, maari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maari silang magkaroon ng pagkakataon na matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa nila sa pagtitiis at pagtitiyaga ni Jesus. Tanging sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagtitiyaga ni Jesus sila nakatamo ng karapatang makatanggap ng kapatawaran at magtamasa sa kasaganaan ng biyaya na ipinagkaloob sa pamamagitan ni Jesus—gaya ng sinabi ni Jesus, “Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang pahintulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan.” Kung si Jesus ay nagkatawang-tao na may disposisyon ng paghatol, sumpa, at hindi-pagpapaubaya sa mga kasalanan ng tao, kung gayon ang tao ay hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay napahinto sana sa Kapanahunan ng Kautusan, at ang Kapanahunan ng Kautusan ay napatagal ng anim na libong taon. Ang mga kasalanan ng tao ay mas lalo pa sanang dumami at mas lalong lumubha, at ang paglikha sa sangkatauhan ay mauuwi sa wala. Ang mga tao ay maaring nakapaglingkod lamang kay Jehova sa ilalim ng kautusan, nguni’t ang kanilang mga kasalanan ay mas marami kaysa roon sa mga unang nilikhang tao. Habang mas minamahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, ang sangkatauhan ay mas nagkakaroon ng kakayahan na maligtas, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Si Satanas ay hindi maaring makialam sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na gaya ng pakikitungo ng isang mapagkalingang ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hinamak man sila, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanilang kalagitnaan, kundi nagtiis sa kanilang mga pagkakamali at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, anupa’t sinabing, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpu’t pitong beses.” Kaya binago ng puso Niya ang mga puso ng iba. Sa ganitong paraan nakatanggap ang mga tao ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Dahil iyon ay ibang kapanahunan, madalas Siyang magkaloob ng masaganang pagkain at inumin sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang mga tagasunod nang may kabaitan, pinagagaling ang maysakit, pinalalayas ang mga demonyo, at binubuhay ang mga patay. Upang ang mga tao ay maniwala sa Kanya at makita na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, anupa’t Siya ay gumawa hanggang sa sukdulang Kanyang buhayin ang isang naaagnas na bangkay, ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit na ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at ginawa ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanilang kalagitnaan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan bago pa man siya mapako. At sa huli ipinako Siya sa krus, isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan alang-alang sa sangkatauhan.
mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Kung wala ang pagtubos ni Jesus, ang sangkatauhan ay magpakailanman nang mabubuhay sa kasalanan, at magiging mga anak ng kasalanan, ang mga inapo ng mga demonyo. Sa pagpapatuloy sa paraang ito, ang buong daigdig ay naging dakong tirahan sana ni Satanas, isang dako para maging tahanan nito. Nguni’t ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob tungo sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito makatatanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay maging karapat-dapat na magawang ganap at lubos na makamit. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay hindi sana nakasulong. Kung si Jesus ay hindi ipinako sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga tao at nagpalayas ng mga demonyo, kung gayon hindi lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo at kalahating taon na ginugol ni Jesus sa pagtupad ng Kanyang gawain sa lupa, tinapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus at pagiging wangis ng makasalanang laman, sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanya sa masamang isa, naisakatuparan Niya ang gawaing pagpapapako sa krus at sinupil ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos lamang na naibigay Siya sa mga kamay ni Satanas natubos Niya ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at pinabayaan, anupa’t hanggang sa punto na wala Siyang mahigaan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpapahingahan; at pagkatapos ay ipinako Siya sa krus, ang Kanyang buong pagkatao—isang malinis at walang-salang katawan—ipinako sa krus, at nagdanas ng lahat ng paraan ng pagdurusa. Tinuya Siya ng mga nasa kapangyarihan at Siya ay nilatigo, anupa’t dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa Kanyang mukha; datapuwa’t Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang sa katapusan, sumunod Siya nang walang-pasubali hanggang sa punto ng kamatayan, kung saan tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Saka lamang Siya hinayaang makapagpahinga.
mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Sa gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung ano Siya at kung ano ang Kanyang taglay ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at marami sa mga gawaing Kanyang isinagawa ay ang pagtubos sa tao. At para sa Kanyang disposisyon, ito ay isang may ang awa at pagmamahal, dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita Niya na mahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, sa lawak na inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sinabi ni Satanas, “Yamang iniibig Mo ang tao, dapat Mo siyang ibigin hanggang sa pinakasukdulan: dapat Kang maipako sa krus, upang iligtas ang tao mula sa krus, mula sa kasalanan, at ihahandog Mo ang Iyong Sarili kapalit ng buong sangkatauhan.” Ginawa ni Satanas ang sumusunod na pusta: “Yamang Ikaw ay isang maibigin at mahabaging Diyos, dapat Mong ibigin ang tao hanggang sa pinakasukdulan: dapat Mong ihandog ang Iyong Sarili sa krus.” Sinabi ni Jesus, “Hangga’t ito ay para sa sangkatauhan, kung gayon Ako ay nakahanda na isuko ang lahat sa Akin.” Pagkatapos nito, Siya ay umakyat sa krus nang walang pag-aatubili at tinubos ang buong sangkatauhan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang kaligtasan ay naging kapiling ng bawat tao. Ang tao ay maaari lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at matanggap ang Kanyang kaligtasan kung tinanggap ng tao ang Kanyang pangalan at tinanggap ang Kanyang presensiya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang siyang mga sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng kaligtasan at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa una sa lahat sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay natapos sa pagpapapako sa krus, at iyon ang kabuuan ng Kanyang gawain.
mula sa “Ang Pananaw ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Sa tao, winakasan ng pagpapapako sa krus ng Diyos ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, tinubos ang lahat ng sangkatauhan, at pinayagan Siyang agawin ang susi sa Hades. Iniisip ng lahat na ang gawain ng Diyos ay ganap nang natapos. Sa katunayan, sa Diyos, maliit lamang na bahagi ng Kanyang gawain ang natapos. Tinubos Niya lamang ang sangkatauhan; hindi Niya nilupig ang sangkatauhan, pabayaang mag-isang magbago ang kapangitan ni Satanas sa tao. Iyon ang dahilan kung bakit sinabi ng Diyos, “Kahit na dumanas ng sakit ng kamatayan ang Aking nagkatawang-taong laman, hindi iyon ang buong layunin ng pagkakatawang-tao Ko. Ang sinisinta Kong Anak ay si Jesus at ipinako sa krus para sa Akin, ngunit hindi Niya ganap na natapos ang Aking gawain. Ginawa Niya lamang ang kapiraso nito.” Kaya nagsimula na ang Diyos sa ikalawang ikot ng mga plano upang ipagpatuloy ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang gawing perpekto at makuha ang lahat ng taong sinagip mula sa mga kamay ni Satanas ang hantungan ng layunin ng Diyos….
mula sa “Gawa at Pagpasok (6)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t-ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at himala. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang kakanyahan ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos; naniniwala ang tao sa pagiging-makapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa puso ng Diyos para sa pagmamahal sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. … Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang gawin ang Kanyang gawain at makamit ang mga bunga ng Kanyang gawain; hindi Siya gumagawa ng kababalaghan o gumaganap ng mga himala: ginagawa lamang Niya ang Kanyang mga gawain sa pamamagitan ng salita. Dahil sa salita, ang tao ay pinalulusog at tinutustusan; dahil sa salita, nagtatamo ang tao ng kaalaman at tunay na karanasan.
mula sa "Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita"
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Ang pangunahing gawain ng Diyos sa panahong ito ay ang pagkakaloob ng mga salita para sa buhay ng tao, ang pagbubunyag ng sangkap at kalikasan ng tao at tiwaling disposisyon ng tao, ang pag-aalis ng mga relihiyosong pagkaintindi, piyudal na pag-iisip, makalumang pag-iisip, pati na rin ang kaalaman at kultura ng tao. Dapat mailantad ang lahat ng ito at malinis sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Nitong mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, at hindi mga tanda at kababalaghan, upang gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makita ng tao ang karunungan at ang kagandahan ng Diyos, at maunawaan ang disposisyon ng Diyos, upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makita ng tao ang mga gawa ng Diyos.
mula sa “Pagkilala sa Gawa ng Diyos sa Kasalukuyan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
    Sa pangwakas Niyang gawain sa pagwawakas ng kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na ibinubunyag ang lahat ng di-matuwid, at hayagang hinahatulan ang lahat ng tao, at ginagawang perpekto ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lang ang makapaghahatid sa kapanahunang ito sa isang katapusan. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay isasaayos ayon sa uri, at hahatiin sa iba’t ibang klase ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang oras kung kailan ibubunyag ng Diyos ang katapusan at ang hantungan ng tao. Kapag hindi sumailalim sa pagkastigo at paghatol ang tao, gayon walang paraan upang ibunyag ang pagsuway at di-pagkamatuwid ng tao. Tanging sa pamamagitan lang ng pagkastigo at paghatol maibubunyag ang katapusan ng lahat. Ipinapakita lang ng tao ang kanilang tunay na kulay kapag sila ay nakakastigo at hinahatulan. Ang kasamaan ay ibabalik sa kasamaan, ang kabutihan ay ibabalik sa kabutihan, at ang tao ay isasaayos ayon sa uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang katapusan ng lahat ng bagay ay maibubunyag, nang sa gayon ay maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mga mabubuti, at ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng dominyon ng Diyos. Ang lahat ng gawain ay nangangailangan ng matuwid na pagkastigo at paghatol upang ito ay makamit. Dahil ang katiwalian ng tao ay naabot na ang rurok at ang kanyang pagsuway ay naging masyadong malala, tanging ang matuwid na disposisyon lang ng Diyos, na pangunahin ay isang pagkastigo at paghatol, at ibinunyag sa mga huling araw, ay maaaring baguhin at gawing ganap ang tao. Tanging ang disposisyong ito ang makapaglalantad ng kasamaan at gayon ay malubhang maparusahan ang lahat ng mga hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong ito ay nagtataglay ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagbubunyag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon lang at nang walang kabuluhan.
mula sa “Ang Pananaw ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Mula sa Ang Mga Tupa ng Diyos ay Naririnig ang Tinig ng Diyos (Mga Kinakailangan ng Bagong Mananampalataya)

Ang pinagmulan:3. Ang Pag-alam sa Layunin at Kabuluhan ng Bawa’t Isa sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos

Rekomendasyon:Pagsaliksik sa Kidlat ng Silanganan 

Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng personal na bumalik na Panginoong Jesus sa mga huling araw


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento